6 CAFGU na binihag ng NPA, pinalaya sa Agusan del Sur

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 11:34 PM

Pinalaya ng komunistang New People's Army (NPA) ang anim na miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na binihag nila noong nakaraang taon.

Kinilala ang mga pinalaya na sina CAFGU Active Auxiliary (CAA) Eddie Tindoy, CAA Benbinido Lamyon, CAA Hermilito Iligan, CAA Julian Gabiola Jr., CAA Sony Malubay, at CAA Marson Iligan.

Pinalaya sila nitong Huwebes sa bulubunduking bahagi ng Bayugan sa Agusan del Sur.

Na-turn over sila sa third party facilitator na kinabibilangan ng mga pari at obispo.

Masayang masaya naman ang pamilya ng mga CAFGU dahil sa wakas ay makakasama na nila ang kanilang mahal sa buhay.

Matatandaang madaling araw ng Disyembre 19, 2018 nang pasukin ng mga NPA ang New Tubigon detachment sa Sibagat, Agusan del Sur. 

Walang nangyaring putukan pero nakuha ang mahigit sa 20 mga armas na kinabibilangan ng M-16, M-14, machine gun, at M-203.

Ayon kay "Ka Joaquin," tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF) Mindanao, ang nangyaring pagpapalaya sa mga bihag ay isang konkretong pahayag na ipagpatuloy o buksan ang usaping pangkapayapaan para mapag-usapan ang mga isyu na naging dahilan umano kung bakit hanggang ngayon ay mayroon pang digmaan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebelde.

Nangako ang NPA na makakalaya rin ang natitira pang 10 bihag sa darating na mga araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.