Taxi driver sa Iloilo, sinaksak ng menor de edad

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 05:55 AM | Updated as of Feb 13 2020 07:23 AM

ILOILO CITY – Nagtamo ng saksak sa kanang balikat ang 64 anyos na taxi driver na si Alfredo Sumbong matapos saksakin ng babaeng menor de edad Miyerkules ng gabi sa Sen. Efrain B. Treñas Boulevard, La Paz.

“Ang pasahero ko sumakay sa Nawasa at magpapahatid sa Nabitasan, La Paz. Nung lumagpas na kami, sabi nila doon pa sila sa unahan. Pagdating sa medyo madilim na lugar nagsabi ang babae na i-ihi lang ito. Bumaba ‘yong mga kasama niya at doon ko na naramdaman na mayroong tumama sa kanang balikat ko. ‘Yon pala sinaksak na ako,” ani Sumbong.

Napigilan ni Alfredo ang kutsilyo kaya maliit na sugat lang ang tinamo nito na agad namang binigyan ng paunang lunas ng Iloilo City Emergency Responders.

Agad na rumesponde ang kapulisan at sa liblib na lugar ng Sen. Efrain B. Treñas Boulevard hinanap ang mga suspek.

Tumulong na rin ang iba pang mga taxi units na pailawan ang lugar.

Pagkaraan ng ilang saglit, nahuli sa taas ng puno ang menor de edad na si alyas Jay.

Positibong tinuro ni Alfredo na isa sa mga kasamahan ng babaeng sumaksak sa kanya ang batang lalaki.

"Hindi po ako ang sumaksak sa kanya,” mariiing pagtatangi ni alyas Jay.

Tinuro ni alyas Jay si alyas Che ang babae nitong kasamang sumakay sa taxi at diniing siya ang sumaksak kay Alfredo.

Hindi na narekober ang kutsilyong ginamit sa krimen.

"Nahuli ang tatlong menor de edad sa area kung saan nagtago sila. Tapos yung isa ay at-large," ani Police Staff Sgt. Angel Lemery, Jr., imbestigador ng La Paz Police. 

Sasampahan ng kasong frustrated homicide ang tatlo.

Agad namang itu-turnover sa Department of Social Welfare and Development at Iloilo City Crisis Intervention Unit ang mga menor de edad.-Ulat ni Hernani Escullar Jr., ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.