'Kung ang tricycle bawal': Motorcycle taxis pinag-iisipang ipagbawal sa major roads

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 03:57 PM | Updated as of Feb 13 2020 09:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Pinag-iisipan ng mga transport regulator na ipagbawal ang mga motorcycle taxi sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila para makaiwas umano sa mga aksidente.

Sa isang press conference, sinabi ngayong Huwebes ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia na sakaling payagan ng Kongreso ang motorcycle taxi, irerekomenda niya ang pagbabawal ng ganoong uri ng transportasyon sa mga national road.

“Hindi mo puwedeng isabay ‘yan sa mga bus. Kung ang tricycle, 3 na ang gulong, bawal sa national road, lalo na itong mga motorcycle taxi,” ani Garcia.

“Mas maiiwasan ‘yong aksidente kung nasa inner road na sila,” dagdag niya.

Kapag natuloy, posibleng hindi na umano padaanin ang mga motorcycle taxi sa C-1 hanggang C-6, R-1 hanggang R-10, at EDSA.

Binigyang diin ni Garcia na papayagan pa rin ang mga pribadong motorcycle rider sa mga kalsada.

“Hindi motorsiklo na private, motorcycle taxi kasi nga may pasahero ‘yan,” aniya.

HULIHAN NG MGA KOLORUM

Samantala, simula rin ngayong Huwebes ay huhulihin na ng mga traffic enforcer ang mga motorcycle taxi na hindi kasama sa pilot run.

Huhulihin umano ang isang motorcycle taxi rider kapag nasita siya at nakitang wala ang kaniyang pangalan sa listahan ng Department of Transportation (DOTr), na kinabibilangan ng mga rider mula Angkas, Move It at Joyride.

“Iisa-isahin namin ‘yan, ‘yong mga nag-uniporme ng Angkas na wala sa masterlist, huhulihin namin kayo. Kung ang pangalan niyan, wala sa masterlist na binigay, huhulihin namin kayo,” ani Garcia.

Bukod doon, pinatatanggal na rin ng MMDA ang mga ilegal na terminal ng mga habal-habal.

“I gave orders sa lahat ng sector heads. Ayoko nang makakita ng isang terminal ng habal-habal,” ani Garcia.

Sa listahan ng DOTr, ang Angkas ay may 20,000 rider sa Metro Manila, 4,500 sa Cebu, at 925 sa Cagayan de Oro habang ang Move It ay may 6,836 sa Metro Manila.

May 15,000 riders naman ang Joyride sa Metro Manila, 4,488 sa Cebu, at 176 sa Cagayan de Oro. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.