Nanay timbog sa tangkang pagnanakaw ng pagkain sa supermarket

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 11:07 AM

Kasama sa mga tinangay umano ng suspek ay 5 imported na de-lata at 2 pack ng candy. Retrato mula sa QCPD Station 7

Timbog ang isang 34 anyos na babae matapos tangkang magnakaw ng mga pagkain sa isang supermarket sa Cubao, Quezon City bandang alas-8 ng gabi Martes.

Batay sa paunang ulat ni PO1 Jaymar Anapi ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7, napansin daw ng security guard ang suspek na si alyas "Nanette" na nagmamadaling dumaan sa labasan at iniwasan ang cashier.

Nang harangin si Nanette, tumambad sa guwardiya ang dala niyang eco bag laman ang mga nakaw na limang imported na de-lata at 2 pakete ng candy. 

Walang naipakitang resibo ang suspek dahilan kaya siya inaresto. 

Ayon kay Anapi, para umano sa 6 anyos na anak ng suspek ang ilan sa mga nakaw na pagkain.

Mahaharap sa kasong theft si "Nanette."


--Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.