Mga miyembro umano ng gun-for-hire group, arestado sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 12:44 AM

BADOC, Ilocos Norte - Hinalughog ng mga pulis ang mga bahay ng hinihinalang miyembro ng grupong gun-for-hire sa Badoc, Ilocos Norte nitong Martes.

Unang pinuntahan ng mga pulis ang bahay ni alyas "Joel" kung saan may nakuhang isang caliber .38 at dalawang bala.

Hinalughog rin ang bahay ng anak nito, kung saan nakuha naman ang isang caliber .22, isang homemade shotgun, at mga bala.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon na may itinatagong baril ang mag-ama.

"May information na may mga kaibigan silang gun-for-hire," ayon kay Senior Inspector Joseph Tayaban, hepe ng Badoc Police.

Bukod sa mga bahay ng mag-ama, pinuntahan rin ng pulisya ang bahay ng magkapatid na dating barangay kagawad at tanod.

Nakuha ang isang granada, improvised shotgun at bala sa bahay ng dating tanod, habang isang improvised shotgun at bala ang nakuha sa bahay ng dating kagawad.

Ipinatupad ang paghahain ng search warrant dahil hinihinalang miyembro o kakilala ng private armed group ang magkapatid.

Ginawa rin ang operasyon para sa paghahanda sa darating na halalan.

Kakasuhan ng illegal possession of firearms and ammunition ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.