Mga baril, granada nakuha sa bahay ng mag-amang mayor, vice mayor sa Masbate

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 10:07 AM | Updated as of Feb 13 2019 10:24 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Sinalakay ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 5 ang mga bahay ng mag-amang mayor at vice mayor sa Batuan, Masbate, Miyerkoles ng umaga. 

Sa bisa ng search warrant, pinasok ng mga operatiba ang bahay nina Batuan Mayor Charmax Jan Yuson at kaniyang amang Vice Mayor na si Charlie Yuson III matapos makatanggap ng ulat na may private armed group ang mag-ama at nagi-ingat ng mga ‘di lisensiyado at matataas na kalibre ng baril.

Ilan sa mga nakuha mula sa dalawang bahay ang isang Bushmaster M16 rifle, baby armalite, 3 kalibre .38 pistol, isang hand grenade at isang fragmentation grenade.

Wala sa bahay ang mag-amang Yuson, maging ang sinasabing mga tauhan na private armed groups. Tanging mga katiwala lamang ang nasa bahay nang magsagawa ng operasyon.

Kakasuhan pa rin ang mag-ama ng kasong illegal possession of firearms and explosives dahil sa mga nakuhang baril at granada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.