Maria Ressa ng Rappler inaresto sa kasong cyber libel

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 08:14 PM | Updated as of Feb 14 2019 12:11 AM

Rappler CEO Maria Ressa. ABS-CBN News

(UPDATED) Inaresto ngayong Miyerkoles ng National Bureau of Investigation (NBI) si Maria Ressa, ang pinuno ng news website na Rappler, dahil sa kasong cyber libel.

Nasa opisina ng Rappler sa Pasig City si Ressa pasado alas-5 ng hapon nang silbihan siya ng NBI Cybercrime Division ng arrest warrant. Bandang alas-6 ng gabi nang sumama si Ressa sa mga taga-NBI papunta sa tanggapan ng ahensiya.

Ini-live stream sa social media ng Rappler ang pag-aresto kay Ressa.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi na nakapagpiyansa si Ressa sa mga korte dahil sarado na ang mga ito noong oras na siya ay arestuhin.

Tinanggihan naman ng isang judge sa isang Pasay night court ang piyansa ni Ressa kaya maaaring magdamag na manatili si Ressa sa tanggapan ng NBI.

Nag-ugat ang reklamo sa artikulo na inilathala ng Rappler noong 2012 ukol sa negosyanteng si Wilfredo Keng.

Nakasaad sa artikulo na nagparenta umano si Keng ng mga sasakyan kay dating Chief Justice Reynato Corona. Nabanggit din sa ulat na sangkot si Keng sa mga ilegal na aktibidad.

Pero itinanggi ni Keng na nagpahiram siya ng sasakyan kay Corona, na napatalsik mula sa pagiging punong mahistrado noong 2012 dahil sa undeclared wealth.

Una nang sinabi ng Rappler na hindi dapat umusad ang kaso dahil 2012 pa ito at wala pang Cybercrime Prevention Act of 2012 nang mailathala ang ulat.

Pero katuwiran naman ng NBI ay naka-publish pa ang artikulo kaya puwede pa ring kasuhan si Ressa at ang Rappler.

Bukod sa cyber libel, nahaharap din sa reklamong tax evasion ang Rappler at si Ressa.

Iginiit ng Rappler na paniniiil sa press freedom ang mga kasong isinasampa laban sa kanila.

Sinabi naman ng abogado ni Keng na hindi ito isyu ng press freedom at iginiit na may pagkukulang ang Rappler, lalo at hindi umano sila binigyan ng pagkakataon na maipalawanag ang kanilang panig sa kabila ng ilang ulit na pakiusap sa news site.

-- May ulat nina Niko Baua at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.