Lalaki timbog sa pag-aalok ng mga pekeng investment

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 06:54 PM | Updated as of Feb 13 2019 09:17 PM

Isang lalaki ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil umano sa isang investment scam kung saan pinalabas niyang marami siyang koneksiyon sa gobyerno.

Ikinasa ang entrapment operation sa araw ng pagtatagpo ng suspek na si Nelson Nicholas at kaniyang bibiktimahin sanang si alyas "Rose" sa isang restoran. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nang matanggap ni Nicholas ang down payment ni Rose, agad nang sumalakay ang mga tauhan ng NBI para arestuhin ang suspek.

Nagtangka pa itong tumakbo at bitawan ang pera pero napigilan siya ng mga awtoridad. 

Kuwento ni Rose, dati nang nag-alok si Nicholas na magsosyo sila sa negosyong pagbebenta ng luxury cars na "naipit" sa Bureau of Customs (BOC). 

Pumayag ang biktima at nagbigay ng P500,000 sa suspek para malipat sa kaniya ang mga kotse, na hindi naman daw dumating.

Nakatanggap pa raw siya ng mga pagbabanta nang tinangka niyang bawiin ang pera mula kay Nicholas.

"Buti na lang nandito ang mga anak ko, tinatanong nila sa akin na bakit ako nagpapaniwala sa kaniya," pagbabalik-tanaw ni Rose. 

Nang mag-alok muli si Nicholas ng negosyo para naman sa isang proyekto ng isang local government unit, humingi daw ito ulit ng kalahating milyong piso.

Doon na natauhan si Rose at nagsumbong sa NBI. 

Tumanggi naman magpaliwanag si Nicholas kung lehitimo ang mga negosyo niya pero sinabing handa siyang makipag-areglo kay Rose. 

"Willing naman ako makipag-settle sa kaniya, ibabalik ko na lang pera niya," aniya. 

Napag-alamang dati nang nakulong si Nicholas sa kasong estafa. 

Ayon sa NBI, lumang modus na ang mga alok na investment kung saan dapat maglabas muna ng pera ang mga biktima.

"Dapat nag-verify muna siya, tulad nito sa Customs, dapat tumawag siya," ani Atty. Eric Nuqui, hepe ng NBI-Environmental Crime Division.

Kulong ulit sa parehong reklamo ng estafa si Nicholas. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.