Dengue cases sa Eastern Visayas dumoble sa pagsisimula ng 2019

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 03:08 PM

Kasisimula pa lang ng taon pero nakapagtala na ang Department of Health (DOH) sa Eastern Visayas ng higit 1,000 kaso ng dengue mula Enero hanggang unang linggo ng Pebrero. 

Ayon sa datos ng DOH-Eastern Visayas, pumalo na sa 1,169 ang naitalang nagka-dengue sa buong rehiyon kung saan anim dito ang namatay. 

Halos doble ito kumpara sa bilang sa parehong panahon noong isang taon, kung saan mayroon lamang 561 kaso ng dengue.

Nangangamba ang ahensiya na posibleng tumaas pa ang dengue cases habang dumaraan ang mga buwan.

Paliwanag ng DOH, maaaring dahil ito sa ilang komunidad na hindi binibigyang halaga ang paglilinis ng kapaligiran na maaaring pinamumugaran ng mga lamok na may dala ng sakit. 

"Napapansin namin noong earlier clustering, lumilipat, so ibig sabihin, kung halimbawa ang barangay A may cases ngayon, maglilinis sila, ang sunod na barangay naman very passive, so lilipat doon. Ang nangyayari, nakokontrol dito, lilipat naman doon," paliwanag ni Dr. Minerva Molon, regional director ng DOH-Eastern Visayas.

Muling nagpaalala ang DOH na ugaliin ang paglilinis sa lugar, lalo na sa mga lugar at bahagi ng bahay na nagiging breeding site ng mga lamok.

Payo ng DOH, agad dalhin sa doktor ang mga batang may sintomas ng dengue.

—Ulat ni Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.