Lalaking isinangla ang traysikel ng amo, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 12:54 AM

Arestado ang isang lalaking itinuturing na ikatlong "most wanted" sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte dahil sa pagsangla ng traysikel na hindi naman sa kaniya.

Sa bisa ng warrant of arrest, nahuli noong Linggo si Leo Nagayo sa kaniyang pinagtataguan sa Pagudpud, Ilocos Norte.

Isinangla ni Nagayo ang kurong-kurong o open tricycle ng kaniyang amo nang walang paalam noong nakaraang taon, ayon sa Sarrat police.

Halos limang buwan umanong hindi nagpakita ang suspek sa kaniyang amo.

Inamin naman ng suspek na isinangla niya ang traysikel sa halagang P10,000 dahil kinailangan niya umano ng perang pampagamot sa kaniyang anak na may sakit sa puso.

"Papalitan ko rin 'yong pinantubos niya," sabi ni Nagayo.

Nahaharap si Nagayo sa kasong paglabag sa Anti-Carnapping Law.

Payo naman ni Chief Inspector Roldan Suitos, hepe ng Sarrat police, huwag basta-basta magsangla ng sasakyang hindi naman pagmamay-ari.

-- Ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.