Head teacher na high-value target, timbog sa buy-bust sa Isabela

Darlene Gemino Ballad, ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2020 08:22 PM

CABATUAN, Isabela – Naaresto ng mga awtoridad ang isang 49 anyos na head teacher sa isang buy-bust operation sa bayan na ito Martes ng gabi.

Ayon sa pulisya, isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang tinangkang ibenta ng suspek sa isa palang agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagpanggap na bibili. 

Nakasamsam umano ang mga awtoridad ng apat pa na sachet ng shabu mula sa suspek.

Tinaguriang top priority target ang suspek dahil sa kaniyang katungkulan bilang head teacher ng isang pampublikong paaralan sa probinsya.

Hindi humarap sa media ang suspek. 

Sa maikling panayam sa mga kapwa guro ng suspek, nabigla umano sila dahil wala naman silang napapansing kakaibang kinikilos o gawain nito.

Ayon naman sa schools district supervisor ng suspek, responsableng head teacher ang nahuli. Aalamin daw nila ang katotohanan sa akusasyon laban sa kaniya. 

Inihahanda na ng pulisya ang reklamong isasampa laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.