'Pinas ikaapat sa may pinakamaraming kaso ng child prostitution'

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2019 08:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaapela na sa publiko ang mga ahensiya ng gobyerno at non-government organizations na bantayan ang mga bata laban sa mga pang-aabuso at eksploytasyon. 

Ito ay dahil lumalabas na pang-apat ang bansa sa siyam na pinakamaraming kaso ng mga batang nabubulid sa prostitusyon. 

Batay sa tala ng grupong End Child Prostitution and Trafficking (ECPAT) International, nasa 300,000 nang batang Pinoy ang pasok sa prostitusyon. Nasa 60 porsiyento sa mga ito ang nabibiktima mismo ng mga magulang. 

Batay naman sa tala ng mga grupong WeProtect Alliance at Inter-agency Council Against Child Pornography, nailabas na ang 1 milyong imahe ng mga batang naaabuso sa pamamagitan ng child pornography ngayong 2019. 

Ayon sa Department of Justice, kasabay ng mga bagong teknolohiya ay lalong tumitindi ang banta sa kaligtasan ng mga bata, partikular sa isyu ng cyber pornography. 

"There are reports of younger children who have also been subjected to abuse. in the same national action plan, it is stated that approximately one in seven children ages 15 to 17 receive sexual solicitation over the internet,” ani DOJ Assistant Secretary Cheryl Daytec-Yangot. 

Kabilang sa nangangamba sa pagdami ng mga kaso ang ina na si alyas "Che" lalo na’t madalas gumamit ng cellphone at social media ang kaniyang anak na si alyas “Jane.” 

Kuwento ni "Jane" ay 12 oras ang nauubos niya sa pakikipag-chat pero natakot siya nang minsang may maka-chat na hindi nya kilala.

“Nag-chat siya ganyan, kung need ko daw po ba ng money, tapos may iaalok daw po sya sa akin… Ignore po ako nang ignore," aniya. 

Kasama ang mga ilang civil society groups, nanawagan ang DOJ at Department of Social Welfare and Development na maging mapagmasid, makialam, at magsumbong ukol sa mga ganitong sitwasyon para sa kapakanan ng mga bata.

Kaakibat nito ang pagdaos ng "Safer Internet Day for Children Philippines," alinsunod sa Proclamation No. 417 na nilagdaan noong 2018. 

Dapat daw malaman ng mga magulang kung saan nagpupunta ang mga anak at dapat makinig din sila nang maigi sa kuwento ng mga kalaro nito. 

Maaaring tumawag sa DSWD hotline number na 1343 ang mga gustong magsumbong o humingi ng tulong, o kaya ay sa "Bantay Bata Hotline" 163 para mag-report ng ano mang pang-abuso sa mga bata.

 -- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.