5 dawit sa gun-running, 1 'tulak' patay sa hiwalay na engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2019 09:06 PM | Updated as of Feb 13 2019 10:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATED) - Limang miyembro umano ng isang gun-running group ang patay sa isang engkuwentro laban sa mga pulis sa Barangay Fairview, Quezon City nitong Martes.

Ayon kay Quezon City Police District Director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., nagsagawa sila ng isang buy-bust operation nitong Martes ng hapon at humarap mismo sa nagpanggap na bibili ang umano'y pinuno ng grupo na si Michael Desuyo.

“Possibly they were also used as hired gun killers na puwedeng magamit dito sa darating na eleksiyon,” dagdag ni Metro Manila police chief Director Guillermo Eleazar.

Ibinenta umano ni Desuyo ang 12 kalibre .38 sa undercover na pulis. Ayon kay Eleazar, nasa P8,000 kada isa ang benta sa mga baril.

Pero nang dumating ang back-up team upang arestuhin si Desuyo ay nagpaputok umano ito at mga kasamahan. 

“Nagkaroon sila ng gunfight sa loob,” ani Esquivel. 

Dead on the spot si Desuyo at apat niyang kasama habang may tama naman sa kaliwang braso ang nagpanggap na buyer na si PO1 Ronald Pornea.

“'Yung ating pulis sinabihan ako na na-confine lang siya pero okay na ang condition ng ating pulis na poseur-buyer.”

Kasama sa mga narekober ang buy-bust money, ang nabiling 12 kalibre .38 na revolver, dalawang kalibre .45 na baril at tatlo pang kalibre .38 na revolver na gamit ng mga suspek.

Ayon kay Eleazar, malaking bagay ang operasyon sa pagsawata nila sa mga loose firearm lalo’t nagsimula na ang election season.

'TULAK' PATAY SA BUY-BUST SA SAN JOSE DEL MONTE

Samantala, humantong din sa barilan ang buy-bust operation ng mga pulis laban sa isang hinihinalang tulak sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Dead on the spot ang suspek na si alyas "Dennis" sa operasyong idinaos sa Barangay Isidro.

Dayo lang ang suspek sa lugar, ani Superintednent Orlando Castil ng San Jose Del Monte police.

Bukod sa baril, narekober din ang sachet ng shabu mula sa suspek. 

-- May ulat nina Kristine Sabillo at Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.