Check-up, lab test, nais ipakargo sa PhilHealth matapos ang pagtaas ng hulog

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2018 07:41 PM

Isinusulong sa Senado na mailibre na rin ang check-up at laboratory tests ng mga miyembro ng PhilHealth.

Sinimulan na kasi ng PhilHealth ang pagsingil sa mas mataas na buwanang kontribusyon sa mga miyembro nito.

Ayon kay Sen. Sonny Angara, nasa likod ng panukalang saklawin na rin ng PhilHealth ang check-up at laboratory tests, kaakibat dapat ng pagtaas ng kontribusyon ang pagpapalawig din ng health coverage ng ahensiya.

Sa panayam ng DZMM kay Dr. Israel Pargas, OIC vice president ng PhilHealth, ipinaliwanag niyang ang mga sumasahod ng nasa P10,000 ay kinakaltasan na ng P275 kada buwan.

Dahil naghahati ang empleyado at employer sa kontribusyon, naglalaro sa mahigit P135 ang iniaawas sa suweldo ng manggagawa. 

Nasa P100 lang dati ang ikinakaltas sa mga empleyado dahil P200 lang ang buwanang kontribusyon sa PhilHealth at sagot ng employer ang kalahati.

Pero para sa ilang manggagawawa tulad ng street cleaner na si Maria Fe Bersuela, hindi rin niya magamit ang hinuhulog niya para makapagpa-check-up dahil hindi iyon sagot ng Philhealth.

Magagamit niya lang ang benepisyo ng PhilHealth kung siya'y tuluyang mako-confine sa ospital. 

Ayon sa PhilHealth, sagot naman nila ang check-up pati mga lab test o ang tinatawag na "primary care benefits" pero hindi sa lahat.

Nakalaan lang ito para sa mga mahihirap, sponsored member, at mga overseas Filipino worker at kanilang pamilya. 

Plano naman ng PhilHealth na palawakin pa ito unti-unti para masaklaw ang lahat ng mga miyembro.

Kung sakaling mangyari ang panukala, bukod sa check-up at lab tests, sasagutin na rin ng Philhealth ang mga gamot sa ilang piling sakit.

-- Ulat nina Ron Gagalac at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.