Pagsaboy ng 'taho' sa MRT iimbestigahan ng Immigration bureau

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2019 01:04 PM | Updated as of Feb 11 2019 03:00 PM

Inaresto ng mga awtoridad noong Sabado ang estudyanteng Chinese na si Jiale Zhang matapos sabuyan ng taho ang isang pulis na nakatalaga sa MRT-3 Boni Station. Retrato mula sa Department of Transportation

(UPDATED) Iniimbestigahan ng Bureau of Immigration (BI) ang insidente ng pagsaboy ng taho ng isang babaeng Chinese sa pulis na nakatalaga sa istasyon ng MRT, sabi ngayong Lunes ng tagapagsalita ng ahensiya.

Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, inaalam na ng BI ang mga detalye ng insidente at pinag-aaralan ang nararapat na aksiyon laban sa Chinese na si Jiale Zhang.

"We will be coordinating with the DOTr (Department of Transportation) and the NCRPO (National Capital Region Police Office) for details about the case and will study possible actions against said foreigner," sabi ni Sandoval.

Pinakamabigat na parusang maaaring mapataw kay Zhang ay deportation o pagpapalayas sa bansa, ani Sandoval.

Inaalam na rin daw ng BI ang iba pang detalye kaugnay sa pananatili ni Zhang sa Pilipinas at sa eskuwelahang pinapasukan nito.

Inaresto noong Sabado ang fashion design student na si Zhang, 23, matapos sabuyan ng taho si Police Officer 1 William Cristobal sa MRT-3 Boni Station.

Tinangka ni Zhang na pumasok sa platform ng Boni Station nang may bitbit na taho, na ipinagbabawal dahil sa umiiral na liquid ban sa mga tren kasunod ng mga pagsabog sa Jolo, Sulu noong nakaraang buwan.

Namagitan lamang si Cristobal nang harangin ng MRT security si Zhang nang bigla nitong sinabuyan ang pulis.

Nagsampa na rin ang Mandaluyong police, sa pamamagitan ni Cristobal, ng mga kasong unjust vexation, disobedience to an agent of person in authority and direct assault laban kay Zhang sa Mandaluyong City Prosecutor's Office.

Bukod dito, nauna nang sinabi ni Transport Assistant Secretary for Communications Goddess Hope Libiran na posible ring kasuhan ng MRT-3 ng unjust vexation si Zhang at ipagbawal na makasakay pa sa linya ng tren.

PULIS, PINARANGALAN

Ginawaran naman ng Philippine National Police (PNP) ng Medal of Commendation ngayong Lunes si Cristobal.

Mismong si PNP chief Director General Oscar Albayalde ang nagsabit ng medalya kay Cristobal dahil sa pagtitimpi raw nito sa kabila ng pambabastos na ginawa ng dayuhan. 

-- Ulat nina Dexter Ganibe, Zhander Cayabyab, at Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.