'Mga kandidatong di magbabaklas ng illegal campaign materials, mapaparusahan'

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2019 06:14 PM | Updated as of Feb 11 2019 08:49 PM

Nagbabala ngayong Lunes ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa darating na halalan na maaari silang maparusahan kapag hindi binaklas ang kanilang mga campaign material na lumalabag sa mga panuntunan ng komisyon.

Sa ilalim ng mga panuntunan ng Comelec, may size limit na 2 by 3 feet ang mga campaign material, at hindi dapat ikinakabit sa labas ng mga common poster area o sa mga private property nang walang pahintulot ng may-ari.

Binigyan ng Comelec ang mga kandidato ng hanggang Martes para baklasin ang mga ilegal na campaign material, gaya ng mga poster at tarpaulin.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, maaari raw maging basehan sa paghain ng electoral offense petition ang paglabag sa panuntunan ng Comelec sa mga campaign material.

"Sa mga kakandidato po, paalala natin kailangan tanggalin n'yo na today. Kung hindi, 'pag kayo ay nahuli sa documentation namin sa mga darating na araw, baka magkaproblema po tayo," ani Jimenez.

"Hangga't maaari, gusto nating manatiling malinis ang kampanya at ang halalan at sana maging compliant lahat ng kandidato," dagdag ni Jimenez.

Dapat din daw maging responsable ang mga kandidato sa mga material na ipakakalat ng kanilang mga tagasuporta. 

"Kung alam mo naman na ilegal, pinabayaan mo lang na andoon, nakinabang ka rin," katuwiran ni Jimenez.

Pero hindi ipinapayo ni Jimenez na ang mga sibilyan ang magbaklas ng mga campaign material. Katuwang daw ng Comelec sa pag-alis ng mga ilegal na campaign material ang Department of Public Works and Highways at Metropolitan Manila Development Authority.

Samantala, hinimok ng Comelec ang publiko na isumbong sa kanila ang mga kaso ng mga ilegal na campaign material.

Puwede raw magsumbong sa Comelec sa pamamagitan ng Twitter, Facebook o Instagram, gamit ang hashtag na #SumbongSaCOMELEC. Puwede rin daw magpasa ng ulat sa email na talktocomelec@gmail.com.

Kasama raw dapat sa sumbong ang petsa kung kailan kinuhanan ang retrato ng campaign material, kung saan matatagpuan ang campaign material, at kung ang paglabag ay dahil sa lagpas sa size limit o pagkabit sa material sa labas ng common poster area.

NAGLIPANA PA RIN 

Sa bisperas ng deadline ng pagbaklas sa mga ilegal na campaign material, naglipana pa rin ang mga ito.

Ilang malalaking poster ng mga kandidato ang nagkalat sa Maynila, nakakabit sa mga labas ng common poster area, base sa pag-iikot ng mga Radyo Patrol ng DZMM.

Namataan din ang mga tricycle at pedicab na kinabitan ng mga campaign material.

Sa Negros Occidental, sinimulan na ng ilang kandidato ang pagbaklas sa ilang ilegal na campaign material. 

Sa Pebrero 12 hanggang Mayo 11 ang campaign period o panahon ng pangangampanya para sa mga tatakbong senador at sa party-list groups, habang sa Marso 29 hanggang Mayo 11 naman ang campaign period para sa mga tatakbo sa mga lokal na posisyon. -- May ulat nina Christian Esguerra, Johnson Manabat, at Yasmin Pascual-Dormido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.