Nagbabadyang bagyong 'Basyang,' pinaghahandaan ng Coast Guard

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 05:03 PM | Updated as of Sep 07 2018 11:09 AM

Pinaghahandaan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nagbabadyang bagyong "Basyang."

Tinatayang papasok ang ikalawang bagyo ngayong taon sa Philippine Area of Responsibility, bandang alas-6 hanggang alas-8 ng gabi.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni PAGASA meteorologist Ariel Rojas na maaaring mag-landfall ang bagyo sa Visayas o Mindanao.

Huling namataan ang bagyo 1,200 kilometro silangan ng Mindanao, may bilis na 55 kilometro kada oras, at bugsong aabot sa 65 kilometro kada oras, ayon sa PAGASA.

Inalerto na ng PCG ang kanilang mga distrito at istasyon sa Visayas, Northern Mindanao, at Palawan.

Ayon kay Captain Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, nagbigay ng direktiba si PCG Commandant Rear Admiral Elson Hermogino na ihanda ang mga gamit at tauhan sakaling kailanganing rumesponde sa emergency situations.

May koordinasyon na rin ang PCG sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council at sa Philippine Ports Authority. 

Ipinapaalala ng PCG na ipagbabawal ang paglalayag ng passenger, cargo, at fishing vessels sa mga lugar na magkakaroon ng tropical cyclone warning signals. 

Para rin maiwasang maging stranded sa pantalan ang mga pasahero, inabisuhan ng PCG ang mga bibiyahe sa mga susunod sa araw sa Visayas, Mindanao, at Palawan na makipag-ugnayan muna sa shipping company sa posibilidad na makansela o maantala ang kanilang paglalayag.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.