Bagong biling motorsiklo, tinangay ng kawatan sa Maynila

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 11:01 AM | Updated as of Sep 05 2018 06:52 PM

MAYNILA - Dismayado ang isang staff ng fast food chain matapos tangayin ng hindi pa nakikilalang salarin ang kaniyang bagong biling motorsiklo sa Sta. Mesa Biyernes. 

Kita sa kuha ng CCTV malapit sa fast food chain kung saan nakaparada ang motorsiklo na naglalakad ang isang lalaki na naka-helmet. Nagmasid pa ito sa paligid bago lumapit sa motorsiklo.

Maya-maya pa ay sinusian na niya ang motorsiko at minaneho papalayo.

Ayon sa biktima at may-ari ng motorsiklo na si Wowie Lazado, ipinarada niya ang kaniyang gray 2018 model na Yamaha Mio sa harapan ng fast food restaurant kung saan siya nagtatrabaho. 

Brand new ang motorsiklo na nabili niya sa halagang P68,000.

Wala pang isang araw sa kamay ni Lazado ang motor at unang beses pa lang niya ito nagamit. 

Sa ngayon ay nakaalerto na ang Manila Police District Anti-Carnapping Unit sa motorsiklo na wala pang plaka. Tinutugis na rin nila ang lalaking nasa CCTV footage.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.