‘No backpack policy’ sa mga mosque sa Davao City, ipinatupad

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 02:20 AM | Updated as of Feb 09 2019 05:26 AM

DAVAO CITY (UPDATE) - Nagpatupad ng "no backpack policy" sa mga mosque sa Davao City kasunod ng mga pambobomba sa Jolo, Sulu at Zamboanga City.

Napag-usapan ng mga imam sa siyudad na ipatupad ang maximum security sa lahat ng mosque.

Bawal na ang magdala ng backpack, malalaking plastik, at kahon sa loob ng mosque. Hindi na rin puwede ang pagtulog sa gusali at pag-accomodate ng mga bisita sa kanilang komunidad.

Isasailalim din sa profiling ang mga kahina-hinalang indibidwal.

Ayon kay Task Force Davao Commander Nolasco Mempin, nakikipag-ugnayan na sila sa mga imam para maayos ang protokol.

Suportado naman ito ng mga Muslim sa Maa Islamic Center Mosque sa Lower Sangilangan, Barangay Maa.

"Maganda ito alinsunod na rin sa batas ng lokal na pamahalaan," ani Anuar Muhamidan.

Una nang iniutos ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang "no backpack" policy sa mga simbahan at mga lugar ng pagsamba sa siyudad. - ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.