Mga sundalo at rebeldeng NPA nagkasagupa sa Negros Oriental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 02:08 PM

Bukod sa mga armas, narekober din ng awtoridad ang ilang personal na kagamitang naiwan ng mga rebelde. Larawan mula sa 302nd Infantry Brigade ng Philippine Army

MABINAY, Negros Oriental - Nagkasagupa ang tropa ng 15th Infantry Battalion at mga pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA), Biyernes ng hapon sa Sitio Baliw, Barangay Bagtic dito sa bayan.

Sa impormasyon mula sa 302nd Infantry Brigade ng Philippine Army, nangyari ang engkuwentro matapos makakuha ng impormasyon ang militar na nangingikil umano ng kanin at pera ang mga rebelde mula sa mga residente.

Agad na rumesponde ang tropa at nangyari ang halos 30 minutong palitan ng putok hanggang sa umatras ang mga rebelde.

Nakuha ng mga sundalo sa encounter site ang isang M16 rifle, improvised explosive device, rifle grenade, 11 magazine ng M16 rifle at iba pang kagamitan at dokumento.

Pahayag ni 302nd IB commander, Brig. Gen. Ignacio Madriaga, nagpapakita na hindi na takot ang mga tao sa NPA at sila na mismo ang nagsusumbong sa mga ilegal na gawain ng mga rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.