Memorial plan na 'nagamit' kahit buhay pa ang plan holder, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Laking gulat ng tricycle driver na si Delfin Delos Reyes nang matuklasang may nakagamit ng memorial plan niya kahit siya ay buhay pa.

Kuwento ni Delos Reyes, tinyaga niyang hulugan ang memorial plan sa St. Peter sa loob ng limang taon.

Noong Setyembre 2018 ay inasikaso ng kaniyang anak na si Elmer ang pag-claim sa money-back na kasama sa memorial plan.

Doon na nadiskubre ni Elmer na "terminated" na ang life plan ng ama dahil nagamit na umano ito.

"Na-verify nila na ang nakagamit ay isang taga-Laguna... Nananawagan kami sa St. Peter buhay pa ang tatay ko bakit may nakagamit ng plan," ani Elmer.
 
Ang nakatatandang Delos Reyes, nagmakaawa sa St. Peter na ibalik ang kaniyang memorial plan na ginamit ng ibang tao.

"Ako po ay nananawagan sa St. Peter na maibalik po ang aking pinaghirapang plan sa inyo. Ako po ay buhay pa, anong milagro at may nakagamit ng iba," aniya.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa St. Peter ang problema ni Delos Reyes na agad naman nilang inaksiyunan.

"St. Peter Life Plan, Inc. already addressed and resolved the concern of Mr. Delfin delos Reyes and the checks due to him will be immediately released," ayon sa pahayag ng kompanya.
    
Noong Martes nga, natanggap na ni Delos Reyes ang tseke para sa money-back at reactivated na rin ang kaniyang life plan.

Nagpaalala naman ang Insurance Commission sa lahat ng plan holders na ugaliing i-verify at i-update ang kanilang pre-need plan sa mga impormasyong napakaloob sa kanilang kontrata.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post o mag-message lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.