SOCO: Babae natagpuang patay sa araw ng Pasko

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 03:12 PM

 

MAYNILA — Taong 2000 nang magsimula ang pag-iibigan nina Rodel at Rochelle Pagatpatan. Matapos lang ang 2 buwang suyuan, nagpasya silang magtanan.

Sa kanilang tahanan sa Muñoz City, Nueva Ecija, magkasamang itinaguyod nina Rodel at Rochelle ang 3 nilang anak. Sa loob ng mahabang panahon, naging masaya at matiwasay ang pagsasama nila.

Pero bigla na lamang napansin ng panganay na anak ng mag-asawa na si Jocel ang pagbabago sa ugali ng kaniyang ama.

"Si papa… mainitin 'yung ulo niya. 'Yung gusto niya po masusunod. Kapag hindi nasunod 'yung gusto niya, magwawala na siya. Tsaka lagi niyang sinasaktan 'yung mama ko," sabi ni Jocel.

Sinasaktan din daw ni Rodel ang kaniyang asawa kapag nakakainom.

"Pagseselos. Sobrang pagseselos. Ayaw niyang [malinis tingnan 'yung babae]. Ayaw din niyang naka-lipstick. Ayaw din niyang mapula ang pisngi," kuwento ng ina ni Rochelle na si Analyn.

"Ayaw niyang naka-shorts nang maigsi. Ayaw niya pong nakikipag-usap [si mama] sa mga lalaki. Ayaw niyang palabasin ng bahay kaya nakakalabas lang po ang mama ko kapag nasa trabaho na siya," dagdag ni Jocel.

Naging takbuhan ni Rochelle ang kaniyang ina, pero nagpatuloy pa rin umano ang pananakit. Umabot pa raw sa puntong pinagbantaan na ni Rodel ang buhay ng asawa.

"Tatlong buwang binugbog na naman po niya. Umuwi po sa akin, nagsumbong. 'Baka kako may kasalanan ka naman,' sabi ko po. 'Wala nanay, nagseselos lang' sabi niya," kuwento ni Analyn.

Nang hindi makatiis, tuluyan na raw iniwan ni Rochelle ang asawa at pansamantalang nanirahan sa ibang bayan.

Noong Disyembre 24, 2017, umuwi si Rochelle sa tahanan ng kaniyang ina. Noo'y muling sinuyo ni Rodel ang kaniyang asawa.

Sa pagnanais na makasama ang 7-taong gulang na anak, lumambot raw ang puso ni Rochelle at sumama kay Rodel.

Pero kinabukasan, araw ng Pasko, bangkay na nang natagpuan si Rochelle sa dati nilang tahanan.

"Hanggang ngayon, hindi ko matanggap [ang] nakita ko. Pinilipit 'yung leeg tapos pinagsasabunutan. Tapos ang [saksak] niya, sa likod… May saksak sa may pantog at tsaka sa 2 hita," sabi ni Analyn.

Panoorin ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" tampok ang mga crimes of passion ngayong Sabado, Pebrero 8, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Sundan ang SOCO sa Facebook at Twitter (@SOCOtv) para sa karagdagang detalye.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.