Problema sa loose firearms, hamon pa rin sa awtoridad: Jimenez

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 11:42 AM | Updated as of Feb 08 2019 12:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Kinakailangan pang magtrabaho ng husto ng pulisya at maging ang lokal na pamahalaan para masawata ang paglipana ng loose firearms, ayon kay Dante Jimenez, chairperson ng Presidential Anti-Corruption Commission.

“Ang problema po natin talaga non implementation of laws. This could relate to corruption. Ano ba ang corruption? Hindi lang naman sa pagkuha ng pera kung ‘di there's significant tolerance on their part--mga law enforcers--na ‘di nila tinutupad ang kanilang mga tungkulin. Incompetence ‘yun,” sabi ni Jimenez sa panayam sa DZMM Biyernes ng umaga.

Ang pahayag ni Jimenez ay kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa Malate, Maynila at sa Teresa sa Rizal.

“Ang daming loose firearms, anybody can possess that. Ang problema bakit hindi nare-recover? Ang Commission may come in especially in the area of incompetence,” ani Jimenez.

Nakakulong pa rin hanggang sa ngayon ang walong indibidwal na sangkot sa walang habas na pagpapaputok ng baril na nangyari sa Malate, Huwebes.

Ayon kay Superintendent Bobby Glen Ganipac, hepe ng Manila Police District (MPD) Station 9, nakaditene sa kanilang estasyon ang 8 suspek na kinilalang sina:

Anjho Padilla, 27
Jeffrey Mendoza, 32
Angel Mirano, 18
Julius Doliente, 30
Marjay Dominguez, 29
Beulah Grace Morillo, 23
Wendel De Guzman, 24
Marc Sanchez, 21

Ibinigay naman sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kasama nilang 16-anyos na lalaki.

Biyernes ng umaga nakatakdang ipapasa sa piskalya ang kasong alarm and scandal dahil sa indiscriminate firing at paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition in relation to the Omnibus Election Code.


 
Ayon sa imbestigasyon, alas-6:25 ng umaga ng Huwebes nang tumigil ang sasakyan ng mga suspek sa may MH del Pilar Street sa kanto ng Aldecoa Street.

Bumaba sa dilaw na sasakyan si Dominguez habang sa itim na sasakyan naman galing si Padilla.

Lumapit sa puting Honda Jazz ang dalawa at kinuha ang isang bag.

Habang naglalakad pabalik sa kanilang mga sasakyan ang dalawang lalaki ay inilabas ni Dominguez ang isang baril, ikinasa, at sunod sunod na nagpaputok ng baril pataas.

Wala namang tinamaan ng bala pero nagdulot ng takot sa mga residente ang ginawang pagpapaputok ng baril ng suspek.

Mabilis na nakatawag ng pulis ang barangay nang mamonitor sa CCTV ang insidente.

Agad namang narespondehan ng mga tauhan ng MPD Special Weapons and Tactics unit at naharang ang tatlong sasakyan sa may Quirino Avenue.

Sa pulisya, unang itinanggi ng grupo na magkakakilala sila at maging ang insidente ng pagpapaputok ng baril. Pero kitang-kita sa CCTV ang buong pangyayari.

Sa huli ay dumepensa na lang si Dominguez na lasing siya at hindi niya alam ang kaniyang ginagawa.

Nakuha sa kanila ang isang caliber .9mm na baril at dalawang magazine na may mga lamang bala. May ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.