Panukalang community service sa minor offense may problema

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 05:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinapanukala sa Senado ang community service kapalit ng parusang kulong para sa mga minor offense. Layon nito na bawasan ang bilang ng mga tao sa kulungan. 

Sa ilalim ng panukala, isasalang na lang sa community service ang sino mang mahahatulan ng korte ng parusang pagkakakulong ng mula isang araw hanggang anim na buwan. 

Bibigyan din ng hurisdiksiyon ang mga huwes kung gaano katagal magsisilbi ng community service ang mga mapaparusahan. 

Pero ayon kay Atty. Noel Del Prado, dapat isaalang-alang sa panukalang ito ang mga magiging piitan ng mga hindi makakapagpiyansa habang naghihintay ng hatol sa kanilang kaso.

"Pinagpapalagay [ng panukala] na naandoon na sila sa stage na mabibigyan na sila ng sentensiya. Paano habang dinidinig 'yung kaso? Ibig sabihin ikukulong pa rin sila. Saan sila kung hindi sila makapagpiyansa?" ani Del Prado sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM.

Pero dagdag niya, maaaaring maremedyohan ang suliraning ito kung mabilis ang magiging paglilitis sa mga kasong may minor offense. 

Ayon sa committee report na inihain ni Senate justice and Human Rights committee chairman Richard Gordon, nasa 436 porsiyento ang jail congestion rate o antas ng pagkasikip sa mga piitan sa Pilipinas.

May basbas ng Public Attorney's Office ang panukala. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.