Nurse patay sa aksidente sa Bacolod City

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 05:42 PM

Wasak ang harapan at likurang bahagi ng sasakyan ng biktima matapos bumangga sa puno ng mahogany sa Bacolod City. Larawan mula kay Ryan Christian Gatoc

BACOLOD CITY - Patay ang isang 22 anyos na nurse matapos mabangga sa isang puno ang minamanehong sasakyan, Biyernes ng madaling araw sa highway ng Barangay Granada sa lungsod na ito.

Ayon sa imbestigasyon, galing sa trabaho si Dix Icon Ridge Villa at pauwi na sana sa kanilang bahay sa Barangay Alangilan nang sumalpok ang kotse niya sa isang puno ng mahogany na nasa tabi ng daan.

Narinig pa ng security guard na si James Silvestre ang pagkabangga ng sasakyan sa puno.

Nawasak ang harapan at likod ng sasakyan ni Villa dahil sa umikot pa daw ito matapos bumangga sa puno. 

Ayon kay Senior Insp. Romulo Gepilango, maaring hindi nakita ni Villa na putol ang sementadong daan kaya ito nabangga sa puno.

Dagdag pa ni Gepilango, tinitingnan din nila ang posibilidad na nakainom ang biktima o baka nakaidlip ito habang nagmamaneho.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.