Lalaki nahulihan ng party drugs sa Cebu City

Donna Lavares, ABS CBN News

Posted at Feb 08 2019 12:22 AM

Nahulihan ng 15 tablets ng party drugs ang isang call center agent sa Cebu City, Huwebes ng gabi.

CEBU CITY - Arestado ang isang call center agent matapos mahulihan ng party drugs na isa umanong klase ng ecstasy sa ikinasang buy-bust sa Cebu City nitong Huwebes ng gabi.

Nakuha mula sa 24-anyos na suspek ang 15 tablets ng party drugs na tinatayang nagkakahalaga ng P25,000.

Ito’y matapos paigtingin ng mga awtoridad ang operasyon kontra droga dahil sa pagkamatay ng isang dalaga sa hinihinalang drug overdose noong Enero.

Ayon kay PDEA-Central Visayas Director Wardley Getalla, may nakuha silang impormasyon na sa mga bars sa Cebu ibinibenta ang mga ito at mga kabataan ang karamihan sa mga bumibili nito.

“We’re conducting surveillance to identify saang mga bars ito. May plano din tayong dialogue sa mga bar owners kasi nga baka nagagamit ang kanilang negosyo," aniya.

Ngunit wala pa silang impormasyon ukol sa source ng mga nakuhang party drugs, dagdag ni Getalla.

Ayon naman sa suspek, napilitan lang siyang magdala nito dahil kapos siya sa pera. Babayaran umano siya ng P4,000 kapalit ng pagdadala ng droga.

Dagdag niya, isang "Matoy" ang nagpadala sa kaniya ng droga. Hindi niya sinabi kung saan dadalhin ang party drugs dahil may kukuha lang umano sa kaniya nito.

Samantala, hindi pa matukoy ng awtoridad kung konektado ang kaso sa pagkamatay ng dalaga dahil hindi pa rin tukoy kung overdose ang ikinamatay nito.

Patuloy na hinihintay ng mga awtoridad ang resulta ng autopsy report. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.