Ilang kolehiyo, unibersidad humirit na ng tuition hike: CHED

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 08:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula nang mag-aplay ang mga pribadong unibersidad at kolehiyo para sa tuition increase o pagtaas ng matrikula, sabi ngayong Huwebes ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero De Vera.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni De Vera na bagaman Enero pa lang ay may mga humihirit na ng tuition increase, wala pa silang naaprubahan dahil pinag-aaralan pa lang daw ito ng komisyon.

"In many areas, the salaries of teachers or professors are higher in SUCs (state universities and colleges), tumataas ang cost of education, and the only way for the private universities can adjust is to get tuition increases," ani De Vera.

Nito ring Huwebes, nagtungo ang ilang grupo ng mga estudyante sa tanggapan ng CHED para iprotesta ang iba-ibang isyu, kabilang ang tuition hike.

Hindi lamang kinalampag ng mga estudyante kundi sinulatan din nila ang gate ng CHED, at pinagbabato ang logo ng ahensiya at ng Department of Education.

Sa datos ng grupo, may higit 1,000 eskuwelahan na raw ang nag-aplay para sa tuition increase. 

"Kung ma-approve ito, lalo pang dadami 'yong mga estudyante na magda-drop out na lamang," ani Raoul Manuel, deputy secretary-general ng National Union of Students of the Philippines.

Pero ayon kay De Vera, dapat ay sa Kongreso magprotesta ang mga estudyante dahil ang Kongreso raw ang may kapangyarihan na ipatigil ang tuition increase sa pamamagitan ng pagbabago ng mga batas.

--Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.