3 lalaki nakuhanan ng sumpak, bala sa Cadiz City

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 11:35 PM

CADIZ CITY - Tatlong lalaki, kabilang ang dalawang menor de edad, ang nasita sa isang checkpoint sa Cadiz City, Negros Occidental nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, napansin nilang tila nagdadalawang-isip na dumaan ang tatlong lalaking sakay ng motorsiklo nang mapansin ang checkpoint sa Gustilo Boulevard sa Barangay Zone 1.

Nang akmang sisitahin ay nagtangka pang tumakas ang mga ito pero agad rin silang nahuli.

Napag-alamang walang driver's license at wala ring rehistro ang motorsiklong minamaneho ng 17 anyos na lalaki.

Nakuhanan naman ng parte ng sumpak na may mga bala ang naka-angkas na 10 taong gulang na lalaki.

Ayon sa dalawang lalaki, pinaangkas lang nila ang bata na papunta rin sana sa malapit na baybayin para manghuli ng alimasag.

Naka kustodya na ng Department of Social Welfare and Development ang mga menor de edad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.