2 drug den sa Imus nilusob; shabu nakita sa diaper

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 07:47 PM | Updated as of Feb 07 2019 08:32 PM

Arestado ang 12 drug suspect nang salakayin ng mga pulis ang dalawang magkahiwalay na drug den sa Imus City, Cavite.

Nauwi pa sa habulan hanggang sa bukid ang pagtugis ng mga pulis sa mga tumatakas umanong sangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa drug den sa Barangay Anabu 2-F.

Napilitan daw na magpaputok ng baril ang mga pulis para mapasuko ang mga suspek.

Sa loob ng bahay na ni-raid, arestado ang target ng operasyon na si Orlando Topacio alyas "Jap" at live-in partner niya na si Viteliana Lauria.

Sabi ni Topacio, limang buwan pa lamang umano niyang ginagawa ang pagbebenta ng shabu.

"Pangkain lang ho," depensa ni Topacio.

Umabot sa anim ang naaresto kabilang na ang 63 taong gulang na si Dante Sarreal.

Samantala, isa pang drug den sa Barangay Malagasang 1-B ang nilusob ng Imus City police.

Sa loob ng puwestuhan, natagpuan ang isang diaper na nang buksan ay may lamang shabu.

May mga marijuana din na nakuha sa isang plastik.

Anim din ang naaresto sa naturang operasyon.

"Gumagamit lang po ako," ayon sa isang suspek na si Ace Cantimbuhan.

Ayon sa pulisya, konektado sa isang malaking drug group ang mga naaresto.

"Ang leader nila ay nasa Duterte list level 1, ang pinaka-main source nila," rebelasyon ni Superintendent Jun Alamo, hepe ng Imus City Police.

"Ito 'yung resulta ng ating diagram and link analysis ng mga sources ng droga na ating nakukuha," dagdag pa ni Cavite police provincial director Senior Superintendent William Segun.

Sa raid sa dalawang drug den, aabot sa P150,000 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.