Mahigit 700 Filipino deportees mula Malaysia, dumating sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 12:14 AM

ZAMBOANGA CITY - Mahigit 700 Filipino deportees mula Malaysia ang dumating sa Zamboanga City Miyerkoles ng gabi.

Ilegal ang kanilang pagpasok sa Malaysia at karamihan sa kanila ay naghahanap ng mas magandang trabaho sa bansa.

Ngunit dahil sa banta ng 2019 novel coronavirus, lalong hinigpitan ang pagbabantay sa coastal border ng bansa.

May dagdag na protocol na ngayon na sinusunod ang Department of Health at Bureau of Quarantine sa mga pasahero mula Malaysia.

Ayon kay Dr. Omar Aranan, head ng Bureau of Quarantine sa Zamboanga City, dalawang beses kinukuha ang body temperature ng mga deportees, una ay bago umakyat sa barko sa Malaysia at pangalawa ay pagdating sa Zamboanga City.

Bukod sa mga deportees, tiningnan din ang body temperature ng mga regular passenger na nakasakay din sa commercial vessel.

Ayon kay Aranan, wala silang nakitang may lagnat o may sakit sa mga pasahero at deportees.

Wala namang mga Chinese national na sakay ng barko.

Bago pa pumutok ang balita kaugnay ng 2019-nCoV ay may port-to-port coordination na ang Bureau of Quarantine sa kanilang counterpart sa Malaysia.

Ito’y kaugnay sa monitoring sa mga pasaherong pumapasok sa lungsod at lumuluwas sa Malaysia.

Nagsusuot na din ng face mask ang mga empleyado ng Bureau of Quarantine at maging ang mga nagtatrabaho sa commercial vessel na bumabiyahe sa Malaysia.

Sa ngayon, may 12 kaso na ng 2019-nCoV sa Malaysia. Tatlo dito ay mga Malaysian national, habang ang siyam naman ay mga Chinese national.