Gurong umano'y nanampal, nanabunot ng estudyante sa Laoag, inireklamo

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 08:29 PM

LAOAG CITY – Inirereklamo ang isang guro sa elementary school sa lungsod na ito matapos umano siyang manakit ng kanyang estudyante noong nakaraang linggo.

Ayon sa Grade 4 student ng Calayab Elementary School na si "Aiza", tinutulak siya ng kanyang kaklase habang sila ay nagkaklase, nang lapitan siya ng guro at dito na siya umano sinaktan.

Pananampal, pananabunot, at pangungurot sa kanyang estudyante ang ginawa umano ng guro.

“Tumatakbo po ako kung nakikita ko siya, kasi baka gawin niya ulit ‘yun sa akin,” kwento ni "Aiza" sa ABS-CBN News nitong Huwebes, na pinapatungkulan ang kanyang guro.

Masama ang loob ng tiyahin ni "Aiza" sa ginawa ng guro, kaya't desidido itong magsampa ng reklamo.

“Kami nga hindi namin siya sinasaktan," ani tiyahin ni Aiza.

Tumangging humarap at magbigay ng anumang reaksyon ang guro, pero ayon sa principal ng paaralan ay iimbestigahan nila ito.

Tiniyak ng Department of Education (DepEd) legal officer sa lungsod na si Rowel Quilala na aaksyonan ang insidente.

Ang anumang klase ng pananakit ng isang guro sa kanyang estudyante ay paglabag sa Child Protection Policy ng DepEd.

“Itong child protection policy ay ipinagbabawal ang paggamit ng corporal punishment, like pagagamit ng stick o pamamalo ng bata. Verbal at psychological abuse ay bawal din po ‘yan,” ani Quilala.

Kung mapatunayang may paglabag ang guro ay pwede itong matanggal sa serbisyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.