ALAMIN: Proseso ng pag-quarantine sa mga Pinoy na uuwi galing Hubei, China

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 05:17 PM | Updated as of Feb 06 2020 08:01 PM

Dumadaan ang isang biyahero sa screening lane ng Bureau of Quarantine sa Ninoy Aquino International Airport noong Pebrero 4, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

(UPDATE) Malayo sa mga ordinaryong pag-uwi sa bansa ang pagdadaanan ng mga Pinoy na uuwi galing Hubei, ang lalawigan sa China na nakasasakop sa lungsod na sinasabing pinagmulan ng isang bagong strain ng coronavirus.

Kahit wala kasing ipinapakitang sintomas ang balikbayan, kailangan nitong dumaan sa 2 linggong quarantine, ayon sa Department of Health (DOH).

"We plan to bring back our fellow Filipinos here in the country as seamlessly and efficiently as possible," sabi ngayong Huwebes ni Health Secretary Francisco Duque III.

Paglapag ng chartered flight sa Hubei, walang bababang flight crew at mga tauhan lang ng DOH ang haharap sa mga uuwing Pinoy para matingnan ang mga ito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kapag nakitaan ng sakit, hindi pasasakayin ang mga Pinoy at idederetso sa ospital sa Hubei.

Kapag nakasakay naman na lahat sa eroplano, agad itong lilipad pabalik ng Pilipinas.

Pagdating sa Pilipinas, dadaan sa screening ng Bureau of Quarantine ang mga balikbayan, ayon kay Duque.

Nakasuot ng personal protective equipment ang lahat ng taong kabilang sa mga tututok sa pagdating ng mga Pinoy.

Ang mga Pinoy na makikitaan ng mga sintomas ay agad ipapasok sa mga ospital bilang patients under investigation habang iyong mga asymptomatic o hindi makikitaan ng sintomas ay dadalhin sa quarantine facility sa New Clark City.

Isang kuwarto ang ilalaan kada isang tao pero kaya rin ng kuwartong ma-accommodate ang pamilya na may 3 miyembro.

"We will be providing the needed medical logistics, including hygiene kits, disinfectant solutions, transportation, and other things that will be needed in the quarantine process," ani Duque.

Limitado ang galaw ng mga naka-quarantine sa gusali kung saan lang sila nakatira.

Target ng gobyerno na maiuwi ang mga Pinoy ngayong weekend.

Apatnapu't limang Pinoy na ang nagsasabing gusto nilang umuwi ng bansa, ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay.

May 178 taong itinuturing na patients under investigation o pinaghihinalaang may novel coronavirus, ayon kay Duque.

Watch more in iWant or TFC.tv

SPECIAL FLIGHT PA-CHINA

Samantala, dahil sa laki ng demand ng mga banyagang pasahero sa Pilipinas na papuntang China, magsasagawa ng special flight ang Philippine Airlines (PAL) sa Lunes, Pebrero 10, ayon sa tagapagsalita ng airline.

Ito ay sa kabila ng ibinabang ban ng Pilipinas sa pagbiyahe papunta at pabalik ng Mainland China, Hong Kong at Macau bilang pag-iingat sa pagkalat ng novel coronavirus.

Lilipad nang balikan mula Ninoy Aquino International Airport at Xiamen, China ang eroplano.

Hindi bababa ng eroplano ang flight crew at piloto, pero pagbalik ng Pilipinas ay sasailalim ang mga ito sa 2 linggong quarantine, ayon kay PAL Spokesperson Cielo Villaluna.

Nasa 27,300 na ang nahawahan ng novel coronavirus, karamihan ay galing sa China, habang hindi bababa sa 560 ang namatay.

Sa Pilipinas, 3 na ang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus, kabilang ang isang lalaking Chinese na pumanaw dito at isang babaeng pasyenteng nakabalik na ng China bago pa nakumpirmang positibo siya sa virus.

Samantala, isang Pinay household worker naman sa Dubai ang naiulat na nasawi dahil sa hindi pa natutukoy na strain ng coronavirus, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Hindi malinaw kung alin sa mga uri ng coronavirus ang ikinamatay ng 58 anyos na overseas worker, na galing General Santos City at 28 taon nang nagtatrabaho doon, ani Bello.

-- May ulat nina Raphael Bosano, Jacque Manabat, Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.