TESDA scholarships nahinto dahil sa 'kawalan ng pondo'

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2019 03:21 PM

Malaking tulong para kay Christian Mamaril ang scholarship program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Pangasinan, lalo't plano niyang maging mekaniko at makapag-abroad balang araw.

"Maganda ito kasi libre naman, kailangan lang magsikap," pagmamalaki ni Mamaril.

Pero sa kasamaang palad, ang batch pala nila Mamaril ang huling nabigyan ng scholarship ng TESDA noong Nobyembre.

Pansamantala kasing natigil ang programa ng TESDA ngayong taon dahil wala pa umanong pondo mula sa central office.

"Wala pa kasi hinihintay pa natin 'yung approved budget, inaayos pa," ani TESDA Pangasinan Provincial Training Center Administrator Modesto Velasquez Jr.

Ang tinutukoy ni Velasquez ay ang kasalukuyang tinatalakay na 2019 national budget, na hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin sa Kongreso matapos mabigong mapasa noong nakaraang taon. 

Noong 2018, umabot ng P60 milyon ang pondo sa TESDA-Pangasinan, kung saan libo-libong taga-probinsiya ang nabiyayaan ng scholarship, ani Velasquez. 

Pero dahil wala pang slot para sa scholarship program ngayong 2019, hindi na muna makakapasok ang 23 anyos na si Rafael Rosario na balak sanang kumuha ng welding course.

"Para sa pamilya ko at sa mga anak ko sana kung mabigyan ako ng pagkakataon mag-aral sa TESDA," ani Rosario, na pansamantala munang namamasada ng traysikel. 

Sa ngayon, reservation basis muna ang ginagawa ng TESDA-Pangasinan sa mga aplikante ng scholarship habang hinihintay ang pondo ngayong 2019. —Ulat ni Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.