Sunog sumiklab sa electric plant sa Palawan

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2019 01:45 PM

PUERTO PRINCESA, PALAWAN - Nasunog nitong Miyerkoles ang parte ng isang planta ng kuryente sa probinsyang ito. 

Ayon sa residente malapit sa planta na si Ester Reyes, alas-11 ng umaga nang napansin nila ang makapal na usok na nagmumula sa power plant ng Delta P, na isa sa mga power provider ng Palawan Electric Cooperative (PALECO). 

Ayon kay Fire Chief Inspector Nilo Caabay Jr. ng Bureau of Fire and Protection, naging dahilan ng sunog ang pagputok sa Engine 2 ng planta noong alas-10:45 ng umaga. 

Agad naman daw itong naaksyunan ng mga empleyado ng planta, kaya't kakaunting usok na lamang ang inapula ng BFP nang dumating sila ng alas-11:10 ng umaga. 

Alas-11:22 nang idineklarang fire out ang sunog.

Kasalukuyang gumagawa pa ng assessment ang pamunuan ng Delta P sa naging pinsala ng sunog.

Walang nasugatan o namatay sa insidente.

Nagsu-supply ng 13.5 megawatts ang nasunog na planta na parte ng kanilang lumang Power Supply Agreement sa PALECO. Nakatakdang mag-expire ang kontrata nito sa Abril 2019.

Bunsod ng sunog, nawalan ng kuryente ang ilang parte ng Puerto Princesa, pero unti-unti na umano ito binabalik sa bisa ng mga power provider na hindi apektado ng nangyaring sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.