Mga nakaharang na kotse, gamit sa Mabuhay Lane sa QC sinita

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2019 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsagawa ng clearing operations ang pamunuan ng Quezon City sa ilang Mabuhay Lanes sa lungsod kung saan inalis nila ang ilang nakaharang sa mga naturang kalsada.

Kabilang sa mga sinita ang mga may-ari ng mga garahe at parte ng mga negosyo sa kahabaan ng Visayas Avenue, na itinuturing na kasama sa Mabuhay Lane o alternatibong ruta sa EDSA kung bibiyahe mula sa Quezon City papunta sa Makati o Pasay. 

Ginawang motorpool ng ibang establisimyento ang bangketa para sa mga armored vehicles, na naging dahilan ng trapiko tuwing rush hour sa umaga. 

Ayon kay Dexter Cardenas, chief ng Department of Public Order and Safety sa lungsod, nasa walong reklamo kada araw ang natatanggap nila ukol sa mga kompanyang humaharang sa kanilang mga negosyo. 

"Report na 'yan sa amin at pinapasa namin sa permits section 'pag walang permit, ipa-cease and desist namin hanggang sa mag-comply. 'Pag hindi (nag-comply), closure order, then 'papasara na ito," aniya ukol sa mga kompanyang humaharang sa bangketa. 

Kabilang sa mga kinuha ng mga awtoridad ang mga kagamitan tulad ng kariton, maging ang de-gulong ng signage ng isang food park. 

Ani Cardenas, pagmumultahin ng P350 ang mga lumabag sa paglabag sa patakaran kontra obstruction. 

Northbound lane ng Concordia Bridge isasara

Isasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang northbound lane ng Concordia bridge sa Maynila simula gabi ng Sabado.

Iginiit ni MMDA General Manager Jojo Garcia na "mas maganda" ang magiging pagkumpuni sa northbound lane lalo na't tatlong linya ang natitira kung ikukumpara sa naging pagkukumpuni nila noon sa southbound lane. 

"Kung iko-compare mo sa unang construction mas maganda 'yung nangyari ngayon kasi three lanes ang natira, kasi dati two lanes lang eh," aniya. 

Sa traffic scheme na gagawin ng MMDA, dalawang lane ang ilalaan para sa pansamantalang southbound lane at isang lane para sa northbound lane mula alas-6 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon. 

Mula alas-2 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi ay gagawing dalawa ang lane para sa northbound lane habang isa naman ang gagawing lane para sa southbound lane. 

Magtatagal ng dalawang buwan ang naturang pagkukumpuni. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.