Pagbabawal sa dayuhang mananaliksik sa PH Rise, pinagdudahan

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 11:06 PM | Updated as of Aug 08 2019 01:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Duda ang ilang kongresista sa atas ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang lahat ng marine exploration at pag-aaral ng mga banyaga sa Benham o Philippine Rise.

Hindi kasi mabatid ng mga mambabatas sa oposisyon kung ano'ng saysay ng pagpapatigil kung nakaalis na rin naman ang research vessel doon ng Tsina.

"Kung wala na diyan scientific groups, then this supposed stoppage is academic, it's a farce," ani Albay Rep. Edcel Lagman.

"The application is good for 30 days, from 24 January to 25 February of this year. But in just a matter of 6 days natapos na sila. Sa ating monitoring, they just surveyed Benham Rise… and after that they departed going back to China," ani Magdalo party-list Rep. Gary Alejano.

Kinumpirma rin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tapos na ang pagsasaliksik ng mga banyaga.

Kaya naman ang gusto ng oposisyon, kumpiskahin ng Pilipinas ang lahat ng datos mula sa pagsasaliksik ng mga dayuhan.

"For security and developmental reasons, all data so far gathered must be confiscated by or turned over to the Philippine government to preclude their unauthorized use by foreigners," sabi ni Lagman.

"China has been conducting studies in Benham Rise for weeks now and they certainly have gathered data on our marine and natural resources in Benham Rise. Dapat ay bigyan ng mahusay at malinaw na kopya ng datos na nakalap nila ang ating bansa," pagsegunda ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate. 

Para naman kay Prof. Jay Batongbacal ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, ipinapakita lang ng utos ng pangulo na hindi handa o ayaw ng pamahalaan na pangasiwaan ang anumang benepisyo o peligrong dulot ng scientific research.

Dagdag pa ni Batongbacal, mas mainam kung inanunsiyo ang isang programa na mga Pilipino ang magsasaliksik para ipakitang pinangangalagaan ng bansa ang sariling yamang-dagat.

"This kind of approach and decision indicates that gov't is still unable/unwilling to manage both the risks and benefits of MSR [marine scientific research]. It would be better if he announced an all-Philippine program for MSR on Benham Rise to show that it is proactive in securing our resources," pahayag ni Batongbacal.

Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, iginiit ng pangulo na sa Pilipinas ang Philippine Rise at hindi dapat isipin na bukas ito sa lahat.

Inutusan din ng pangulo ang Air Force at Navy na silipin kung may mga banyaga pa rooon at paalisin ang mga nangingisda at nagsasaliksik.

Dapat din ay may pahintulot ng National Security Adviser ang anumang foreign research sa Philippine Rise.

"All scientific research are deemed cancelled, any new application in addition to an application to be filed with the inter-agency technical working group, will have to make a separate application with the office of the National Security Adviser," ani Roque.

Mula taong 2000, umabot sa 46 ang aplikasyon para sa marine scientific research sa Philippine Rise mula sa mga bansang Amerika, China, Japan, Korea, at Germany, at 28 sa mga ito ang ang pinayagan ng pamahalaan.

-- Ulat nina Willard Cheng, RG Cruz, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.