Paraw Regatta Festival ipinagpaliban sanhi ng banta ng new coronavirus

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 12:50 PM

Minabuti ng pamahalaang lokal ng Iloilo City na ipagpaliban ang mga aktibidad kaugnay ng Paraw Regatta Festival sanhi ng banta ng pagkalat ng 2019 Novel Coronavirus (2019-nCoV).

Ayon kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, mainam na wala munang pagtitipon ng mga tao dahil sa banta ng sakit.

Ang naging pahayag ni Treñas ay base sa naging rekomendasyon ng Iloilo City Health Office.

Nakatakda sana ang Paraw Regatta sa Peb. 23 hanggang Mar. 1. Ang festival ay isa sa mga pinakamalaking sailing event sa Asya.

Magpapalabas ng panibagong schedule ang Iloilo Festival Foundation sa mga susunod na araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.