Higit P10-M halaga ng 'shabu' nasamsam, 4 timbog sa Malabon

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 07:12 AM | Updated as of Feb 05 2020 05:10 PM

Retrato mula sa NCRPO Public Information Office

MAYNILA (UPDATE) — Nasa higit P10 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha sa isang buy-bust operation sa Malabon City nitong madaling araw ng Miyerkoles, kung saan naaresto rin ang 4 suspek, sabi ng pulisya.

Nagkasa ng operasyon ang Malabon City Police Station-Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency bandang alas-4 ng madaling sa may Aquino Road, Barangay Tugatog matapos makatanggap ng impormasyong may ilegal na aktibidad na nangyayari doon, ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Naaresto umano sa operasyon sina Jhay Camposano, 31, Remel De Jesus, 29, Jufirst Soguilon, 26, at Rizza Mae Pabon, 20.

Dati nang kinasuhan sina De Jesus at Camposano sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon sa pulisya.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang Chinese tea pack at 13 sachet na may lamang hinihinalang shabu na nagkakahalagang P10,101,060, sabi ng NCRPO.

Nakadetene ang mga suspek sa Malabon City Police Station, na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.