3 biktima ng human trafficking, nailigtas sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 01:20 AM

Nailigtas ng mga awtoridad ang tatlong babaeng nabiktima ng human trafficking Lunes ng gabi sa Zamboanga City.

Ayon sa ulat ng Philippine Center for Transnational Crime, ni-recruit ang mga biktima sa Metro Manila at pinangakuan ng magandang trabaho sa Malaysia.

Pero nagtaka sila nang dumating sa Zamboanga City, dahil gusto umano ng kanilang recruiter na sa pamamagitan ng southern backdoor sila papasok ng Malaysia, mula sa Tawi-Tawi, ang pinakamalapit na probinsiya ng Pilipinas sa maritime boundary ng Malaysia.

Kaya humingi na sila ng tulong sa ilang residente sa Barangay Campo Islam, kung saan sila pansamantalang namalagi nang dumating sa lungsod.

Agad din naman silang na-rescue ng mga pulis, kasama ang Interagency Agency Council Against Trafficking.

Dinala muna ang mga biktima sa isang center ng Department of Social Welfare and Development para sumailalim sa stress debriefing, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para maaresto ang kanilang recruiter na taga-Bulacan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.