Pekeng recruitment agency sinalakay sa Caloocan; 6 timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2019 04:22 PM | Updated as of Feb 06 2019 09:40 PM

Anim na tao ang naaresto sa pagsalakay ng mga awtoridad sa opisina ng isa umanong pekeng recruitment agency sa Caloocan City noong Lunes. 

Modus umano ng SA-1 Human Resource Services ang pag-alok sa mga aplikante ng trabaho bilang salesperson sa isang sikat na clothing brand, barista sa mga sikat na coffee shop, at service crew sa convenience store.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hihingan umano ang mga aplikante ng processing fee at medical fee kahit wala naman daw talagang trabaho para sa mga aplikante.

Kadalasan sa social media nakakukuha ng mga biktima ang kompanya, ayon kay Superintendent Mary Ivy Salazar ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).

"Ipo-post nila using social media platform, text messages na nagpo-promote sila, nagha-hire at kumukuha ng employment, when in fact, wala namang nangyayari," sabi ni Salazar.

Ikinasa ng mga awtoridad ang raid sa opisina ng pekeng ahensiya nang magreklamo ang isa sa mga kompanya ng coffee shop na ginagamit ng ahensiya, ayon kay Salazar.

"Nag-emanate itong complaint last year pa, noong lumapit ang isang HR (human resource) manager noong kilalang coffee shop," kuwento ni Salazar.

"Nirereklamo niya na ginagamit ang kanilang company name para mag-recruit, hire at kumuha ng mga empleyado para magtrabaho sa kanilang kompanya," aniya.

Sinampahan ng PNP-ACG ng kasong computer-related identity theft ng Cybercrime Prevention Act of 2012 ang mga empleyado pati ang natukoy nilang may-ari ng kompanya.

Nagpaalala rin si Salazar na huwag agad paniwalaan ang mga alok na trabaho sa social media at alamin kung rehistrado ba ang inaaplayang kompanya sa Securities and Exchange Commission.

--Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.