Panukalang student fare discount, OK sa Kamara, Senado

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2019 09:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naging kinatawan ng National Science & Engineering Fair sa Pasay ang magka-eskuwela na sina Johanna Dela Cruz at Iza Javier, na galing pang Negros Occidental.

Ayon sa kanila, mas marami pa sana silang kaklase na puwedeng sumali sa contest na idinaos sa Metro Manila kung mas mura lang sana ang pasahe sa eroplano.

Kaya magandang balita para sa mga tulad ng mga kaklase nina Dela Cruz at Javier ang isinusulong ngayon na panukala sa Kamara at Senado na magbibigay sa mga estudyante ng 20 porsiyentong diskuwento sa pasahe sa mga domestic flight.

"Isang mag-aaral lang po ako at wala po kaming income. Ang 20-percent discount ay malaki na po sa aming part," ani Javier.

Lumusot sa huli at ikatlong pagbasa sa Kamara noong Martes ang House Bill No. 8885 na magbibigay sa mga estudyante ng 20 porsiyentong diskuwento sa pasahe sa lahat ng uri ng transportasyon.

Base sa Section 4 (Coverage) ng House bill, sakop nito ang mga public transportation gaya ng -- pero hindi limitado sa -- mga bus, jeep, taxi, tricycle, train, eroplano at mga sasakyang pandagat.

Bago ang panukala sa Kamara, nauna nang maaprubahan sa Senado noong Oktubre ang Senate Bill No. 1597, na nagmumungkahi rin ng 20 porsiyentong diskuwento sa pasahe sa mga estudyante sa lahat ng uri ng transportasyon.

Sa oras na maipatupad ang panukala, kailangan lang magpakita ng katibayan — gaya ng I.D. — ng isang estudyanteng bumibili ng tiket sa eroplano para ma-avail ang diskuwento.

"Kung hindi ka bigyan at estudyante ka, violation na po iyon," ani Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento, chairman ng House committee on transportation.

"But of course if there is an attempt naman on the part of someone pretending to be a student through fraud, ang number one diyan, the operator will refuse the giving of the discount and possible penalty," dagdag ni Sarmiento. -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.