Mga miyembro ng political clans, party-list nominees sa halalan

Gigi Grande, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2019 10:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit 100 party-list groups ang kasali sa 2019 elections, kabilang ang Movement for Economic Transformation and Righteous Opportunities (METRO) na pangunahing nominee si Emelita Alvarez, asawa ni dating Speaker Pantaleon Alvarez, na tatakbo muli bilang kinatawan ng unang distrito ng Davao Del Norte.

Ang anak naman nina Pantaleon at Emelita na si Ana, tatakbo sa ilalim ng 1-AAAP party-list group.

Kung magtatagumpay sila, magkakaroon ng tatlong Alvarez sa Kamara.

Para kay Emelita, na hiwalay kay Pantaleon, walang masama rito.

"Iba-iba naman 'yung advocacy di ba? I have my own advocacy. I'm after empowerment of women, protection of children, and, of course, the family. When you're in the district, ang concern ng congressman is the needs noong district niya," ani Emelita.

Isang layunin ng Party-List System Act, sabi ng may-akda na si dating congressman Michael Mastura, ang bigyan ng boses sa Kongreso ang mahihirap at ordinaryong tao. 

Pero kapag sumali ang mga politikal na pamilya sa party-list elections, hindi na mabibigyan ng boses ang iba't ibang maliliit na sektor, ani Mastura. Interes na lamang daw ng mga makapangyarihan ang mangingibabaw.

Sa pananaliksik ng ABS-CBN Investigative and Research Group, natagpuang may 49 party-list nominees ang galing sa political family o mga pamilya na may higit isang miyembro na nahalal o naitalaga sa puwesto.

Bukod sa mga Alvarez, may party-list nominee rin mula sa pamilya Abaya, Abayon, Albano, Antonio, Atienza, Belmonte, Benitez, Biron, Briones, Cerilles, Collantes, Defensor, De Venecia, Estrella, Fariñas, Ferriol, Garin, Lopez, Mangudadatu, Mendoza, Noel, Nograles, Oaminal, Ong, Ortega, Pacquiao, Pangandaman, Panganiban, Revilla, Rodriguez, Romualdez, Romulo, Santiago, Sotto, Tan, Umali, Velarde, Velasco, at Villanueva.

Kung mananalo ang partido nila, maaaring 49 sa 59 o karamihan ng mga party-list representatives sa susunod na Kongreso ay galing sa political families.

Kaya sinabi ng election watchdog na Kontra Daya, hindi lamang track record ng party-list group ang dapat suriin kundi pati nominees nito.

"Party-list groups have been hijacked by prominent political dynasties," sabi ni Danilo Arao ng Kontra Daya.

Nasa Commission on Elections (Comelc) website na ang listahan ng party-list groups at kanilang mga nominee. Ayon sa Comelec, posibleng may ma-disqualify pa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.