Minero, nailigtas matapos ma-trap nang 2 araw sa minahan

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2018 09:06 PM

Nailigtas ang isang 69 taong gulang na minero na dalawang araw na nakulong sa isang minahan sa Itogon, Benguet.

Linggo ng umaga nang nailigtas si Gilber Po-ol sa Antamok Mining Pit sa Barangay Loacan.

Ala-una ng hapon noong Biyernes nang mag-isang pumasok si Po-ol sa mine tunnel para kunin ang mga gamit niya sa pagmimina.

Biglang bumigay ang tunnel at nakulong siya sa loob.

Halos tatlong dekada nang minero si Po-ol pero ito ang unang pagkakataong na-trap siya sa tunnel.

Sa loob ng dalawang araw, umasa lamang umano siya sa patak ng tubig galing sa lupa.

"Sa labas ng portal ng minahan niya, nakita nila 'yung bag, itinawag nila sa amin, natabunan siya doon," ani Fabian Simon, kamag-anak ni Po-ol.

Nadehydrate si Po-ol at dinala sa Baguio General Hospital.

"Nagpapasalamat ako sa mga tumulong sa akin, Loacan responder at tsaka minero din at barangay tanods, sila yung mga tumulong para hukayin naming yung mga natabunan," ani Simon.

Ayon sa pulisya, mas makakabuti umanong may ibang kasama ang mga minero bago pumasok sa mga tunnel.

"Hangga't maari i-maintain nila 'yung kung may papasok is dapat hindi mag-isa, kung papasok man na mag-isa ay may pagbibilinan," ani Police Chief Inspector Eugene Raymundo.

Ayon sa kanyang kamag-anak, hindi na nila ulit papahintulutan si Po-ol na mag-mina at papabalikin na lamang siya sa pagtatanim ng gulay sa bakuran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.