Bangkay ng OFW mula sa Abu Dhabi, naiuwi na

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 08:17 AM | Updated as of Feb 04 2020 08:21 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naiuwi na sa bansa ang bangkay ng 32 anyos na overseas Filipino worker sa Abu Dhabi Lunes ng gabi sa Ninoy Aquino International Airport. 

Nakitang wala nang buhay si Mary Jane Reyes sa maid’s quarters ng kanyang employer nitong Enero 13. 

Suffocation ang umano’y dahilan ng pagkamatay ni Reyes at babaeng Ethiopian nitong kasamahang household service worker, ayon sa Arabong amo.

Ayon kay Jonnalyn Elaurza, kapatid ni Reyes, pumasok umano ang biktima sa kwarto nito, humiga at unang tinawagan ang mga pulis.
 
“‘Yong ate ko po, gabi-gabi na po siyang nagpapaningas ng uling po kasi po malamig po roon. Hindi naman sila nakakagamit ng heater kaya ‘yon na lang po ‘yong way niya para kahit papaano hindi siya lamigin doon.” dagdag ni Elaurza. 

Sa huli umanong pakikipag-usap ng biktima sa kanyang pamilya, nagpadala pa siya ng litrato na kuha sa loob ng kwarto, naka-jacket at nabanggit na malamig sa lugar. 

Nahihirapan ang pamilyang maiuwi agad ang labi ng Pinay lalo’t aminado silang hindi dumaan sa Department of Foreign Affairs at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang paghahanap nito ng employer. 

“Gusto lang po naming mahuli mga recruiter niya. Hindi po nila tinulungan. November po chinachat na sila na nagpapasundo na ‘yong ate ko sa kanila. Hirap na rin po talaga kasi 24 hours tinatrabaho niya roon. Ibinenta raw po sila amo, sa employer po, P15,000,” ani Elaurza.

Sa death certificate na nakarating sa pamilya mula sa Abu Dhabi, cardiac arrest ang nakasaad na ikinamatay ng biktima. Kaya nais ng pamilya na maipa-autopsy muna ang labi para mabigyang-linaw ang nangyari sa kamag-anak.

Nagbigay naman ng assistance ang OWWA sa sumalubong na pamilya hanggang sa maiuwi ang labi sa kanilang probinsiya sa Bataan.-Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.