Paglalagay ng plaka sa harap ng motorsiklo tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2019 04:26 PM | Updated as of Feb 04 2019 06:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naniniwala ang isang grupo ng motorcycle riders na delikado at hindi solusyon sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga riding-in-tandem ang panukalang paglalagay sa plaka sa harap ng motorsiklo.

Daan-daang motorcycle rider ang lumahok nitong Lunes sa isang motorcade mula Welcome Rotonda sa Quezon City hanggang Malacañang, bitbit ang liham para kay Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapahayag ng pagtutol sa pagsasabatas ng panukalang Motorcycle Crime Prevention Bill.

Kabilang sa probisyon sa ilalim ng panukala ang pag-obliga sa mga motorcycle rider na maglagay ng plaka sa harap ng kanilang motorsiklo, bukod pa sa plaka sa likod ng motorsiklo.

Ayon kay Robert Perillo, national council member ng Riders of the Philippines, hindi ligtas ang paglalagay ng plaka sa harap dahil maaaaring lumipad ang matalas na piraso mula sa plaka kung hindi maayos ang pagkakakakbit nito.

Dagdag pa umano sa gastos ang dalawang plaka, ayon kay Perillo.

"Bukod sa delikado, karagdagang na naman itong gastusin para sa amin. 'Yong maliit na plaka, mahal na, lalo pa kaya iyong malalaking plaka at dalawa pa?" ani Perillo.

Naniniwala rin ang grupo na hindi solusyon ang plaka sa harap ng motorsiklo sa kriminalidad na kinasasangkutan ng mga riding-in-tandem.

Kadalasan din naman daw na mga nakaw na motorsiklo ang ginagamit ng mga kriminal.

Ang dapat gawin ng mga awtoridad, ayon sa grupo, ay tugisin ang mga tunay na kriminal at hindi pahirapan ang mga inosenteng motorista. --Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.