'Manila Bay di pa ligtas pagliguan'

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2019 04:45 PM | Updated as of Feb 04 2019 07:52 PM

Manila Bay sa may bahagi ng Roxas Boulevard matapos ang clean-up. Michael Delizo, ABS-CBN News

Nagbabala ang isang opisyal ng Department of Health na hindi pa ligtas ang pagligo sa Manila Bay.

Kasunod ng malawakang clean-up o paglilinis sa Manila Bay noong nakaraang buwan, marami na ang nagsimulang maligo o mag-swimming sa naturang katubigan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, kahit pa natanggal na ang sandamakmak na basura, hindi pa rin natitiyak na bumaba na ang nibel ng bakteryang fecal coliform sa Manila Bay.

"Huwag po munang mag-swimming dahil hindi pa po for human recreational use ang tubig sa Manila Bay," sabi ni Domingo.

Sa water sampling na isinagawa noong Enero, lumabas na naglalaman ng average na 330 milyon MPN (most probable number) fecal coliform ang Manila Bay, malayo sa katanggap-tanggap na antas na 100 MPN.

Ayon kay Domingo, hinihintay pa nila ang resulta ng pinakabagong water sampling para matukoy ang kasalukuyang fecal coliform level ng Manila Bay.

Maraming sakit ang nakukuha sa maruming tubig tulad ng pagtatae, typhoid fever, sakit sa balat, at iba pa, ayon sa DOH.

Plano naman ng Department of Environment and Natural Resources na isara sa publiko ang Baywalk habang isinasagawa ang rehabilitasyon ng Manila Bay.

--Ulat nina April Rafales at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.