'Illegal recruiter' na nag-aalok ng trabaho sa Canada arestado

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2019 05:35 PM

Naaresto ng Manila police ang isang babaeng nagpapanggap umanong empleyado ng isang recruitment agency para makapambiktima ng mga aplikante. 

Dinampot ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) noong Huwebes sa entrapment operation sa may Santa Mesa district ang suspek na si Carissa Aquieda.

Modus umano ni Aquieda ang magpakilalang nagtatrabaho sa isang recruitment agency, at mangako sa mga biktima ng trabahong caregiver at driver sa Canada na may sahod na halos P200,000.

Lumabas sa imbestigasyon ng MPD na walang koneksiyon si Aquieda sa sinasabi nitong recruitment agency.

Nasa P500,000 umano ang nakolekta ni Aquieda bilang recruitment fee sa limang nagreklamong biktima.

Napaniwala raw ng suspek ang mga biktima dahil nagbigay daw ang suspek ng tseke na pang-allowance daw ng mga biktima pagdating sa Canada.

Mahaharap sa mga kasong estafa at large-scale illegal recruitment si Aquieda. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.