Mga bakwit sa Patikul, Sulu nakilahok sa peace rally kontra terorismo

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2019 02:47 PM

Aabot sa 500 tao mula sa bayan ng Patikul, Sulu ang nakilahok sa isang peace rally, Linggo, upang kondenahin ang pagkukuta ng Abu Sayyaf sa kanilang lugar.

Nanggaling ang mga demonstrador sa barangay Upper Latih, Buncaong, Darayan, Maligay, at Bankal. 

Ayon sa ilan sa mga sumali sa naturang rally, aabot na sa 449 na pamilya o 2,000 na residente ng Patikul ang nananatili sa mga evacuation center dahil sa karahasan na nangyayari sa bayan dahil sa terorismo.

Ginanap ang rally sa Barangay Lower Latih sa kasagsagan ng sagupaan sa pagitan ng militar at Abu Sayyaf sa kalapit na Barangay Kabbon Takas.

Nagsimula ang opensiba ng militar laban sa Abu Sayyaf sa naturang barangay Sabado ng tanghali.

Hindi bababa sa 5 sundalo ang namatay at 18 naman ang naitalang sugatan dahil sa patuloy na digmaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.