Higit P100,000 natangay sa isang hardware store sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 01:35 AM

Nilimas ng isang kawatan ang mahigit P95,000 halaga ng wire na ibinebenta ng isang hardware store sa General Santos City, Biyernes. Kuha ng GenSan City Police Station 4

GENERAL SANTOS CITY - Tinangay ng isang kawatan ang nasa P100,000 na gamit at pera ng isang hardware store sa National Highway, bahagi ng Barangay City Heights, General Santos City nitong Biyernes.

Nadiskubre ng trabahador ng hardware store na si Ren Libut na bukas na ang roll-up door ng tindahan pasado ala-7 ng umaga Biyernes. 

Nang tingnan nya ang buong tindahan, nadiskubre na lang nilang nawawala na ang ibinibenta nilang mga wire na mahigit P95,000 ang halaga. Nawawala rin ang mahigit P9,000 na pera.

Nadiskubre ng mga pulisya na sinira ng kawatan ang padlock sa roll-up door para makapasok. 

Wala pang matukoy na suspek ang mga pulis, pero nagsasagawa na sila ng malalimang imbestigasyon sa insidente.

Payo ng pulisya sa mga may negosyo, tiyaking matibay ang pagkakagawa sa roll-up door at ang kandado, at huwag mag-iwan ng malaking halaga ng pera sa tindahan.

Makakatulong din umano ang paglagay ng CCTV camera para madaling makilala ang salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.