Dalagita, tumalon sa ilog; ama, huli dahil umano sa pangmomolestiya

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 05:30 AM

Isang 14-anyos na dalagita ang nasagip ng grupo ng mga kabataan matapos itong tumalon sa ilog sa Navotas Biyernes ng gabi.

Tumalon si alyas Kaye dahil sa depression matapos umano itong molestiyahin ng kanyang ama.

Ayon kay Gleazer Gomez, barangay tanod ng Barangay NBBS, ikinuwento ng biktima ang nangyari sa kanya nang magkamalay ito.

Makailang ulit umano minolestiya si Kaye ng kanyang ama mula pa noong Agosto 2015 hanggang pag-uwi niya sa bahay nila sa Navotas.

Sa Pangasinan umano si Kaye pansamantalang nanirahan kasama ang ilang mga kaanak.

Agad nagsagawa ng operasyon ang mga taga-barangay at inaresto ang 34-anyos na suspek.

Pinabulaanan naman ng ama ni Kaye ang alegasyon. 

Ayon naman sa ina ng biktima, wala siyang alam ukol sa insidente.

Kuwento ni Kaye sa kanya, sa Pangasinan umano nangyari ang pangmomolestiya at ibang tao ang gumawa nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.